Isinulat ni Shaun Jethro M. Lim (G12)

Yurak

Mga liping saksi sa mga pagbabago
Saksi ng malalawak na kayamanan ng ating kalikasan
Kung ang bansa’y patuloy na umuunlad, sila’y patuloy ring sumasaksi
Sa mga karapatang niyuyurak at marahas na pang-aapi

Sila’y mga tagapangalaga ng ating lupain
Noon pang tayo’y di pa naging alipin
Ngayon, sa sarili nilang mga tahanan, ay pilit na pinapaalis
Para lang makapagtayo ang gobyerno ng mga pagawain

Nawawalan ng tahanan at nawawalan ng kabuhayan
Kanilang kultura at lupang ninuno
Papaano naman nila aalagaan at patuloy na ipamamana
Kung patuloy pa rin silang binabale-wala

Napipilitan silang makibaka
Para lang ipaglaban ang tunay na kanila
Ngunit karamihan ay maling nababansagan ng gobyerno
Komunista o terorista, at minsan ay pareho pa

At sa maling pagbabansag, mali rin ang pamamahala
Imbis na lutasin sa pamamagitan ng mga bukas na tenga’t isip
Ay sa pamamagitan na lang ng baril at karahasan
Upang ang mga malakas ang loob na magsiprotesta ay maibagsak

Ating mga katutubo
Niyuyurak ng gobyernong may tungkuling mag-alaga sa kanila
Kaya makinig tayo sa kanilang adhikain, at suportahan ang paglaban
Sapagkat lahat ng ito’y para sa kanilang kinabukasan

Larawan mula sa: https://cdn.theculturetrip.com/wp-content/uploads/2018/04/shutterstock_1016522269.jpg